Facebook Conversion Pixel

Friday, May 29, 2009

Kailanman ay hindi pa ako nakapagsulat sa aking sariling wika. Marahil ito ay dahil sa pangkaraniwang paniwala na kapag magaling kang mag-Inggles, matalino ka, at alam naman nating lahat na hindi totoo 'yon. Mas madalas akong magsulat sa Inggles kasi palagay ko, mas nakakatawa ako kapag nagsulat ako sa Inggles (palagay ko lang naman 'yon. Hindi niyo kailangang sumang-ayon), at gustuhin ko man, hindi ko matatamo ang lalim ng pagTa-Tagalog ng mga batikang manunulat tulad nina Domingo Landicho o Liwayway Arceo. Maalam ako sa tamang pagbaybay (at pagagalitan ko ang mga Pilipinong hindi alam ang pagkakaiba ng "ng" sa "nang") at balarila (sa mga hindi nakakaalam, heto'ng sa inyo http://tl.wikipedia.org/wiki/Balarila), pero hindi ko lang makuhang maging katawa-tawa sa Tagalog (kung sabagay, hindi naman talaga ako nakakatawa - ang kulit ko talaga). At kinasusuklaman ko ang mga pinaikling pagbabaybay sa cellphone. Aminin man natin o hindi, nakakabobo ito. Mahina na nga sa pagbaybay sa Inggles, mahina rin sa Filipino. Ano ba 'yan? Saan na lang tayo pupulutin niyan? (Sagot: Sa kangkungan, saan pa?)

Ang rason kung bakit bigla akong napa-Tagalog ay nang mabasa ko ang aklat ni Jessica Zafra na hindi ko man iniidolo ay labis kong hinahangaan. Sabi niya kasi, bakit hindi kaya natin isalin ang mga sikat at kagila-gilalas na mga banyagang katha para ito ay maunawaan ng mas nakararami sa atin? Oo nga naman, kung ang "Inferno" nga ni Dante Alighieri ay naisalin mula Italyano sa Inggles nang hindi nawawala ang diwa, maaari din natin itong gawin sa Filipino.

Magandang proyekto ito, hindi ba? Mapag-isipan nga.

No comments: